Ang karaniwang makulay na tanawin sa labas ng kwarto ko ay tila na-white wash sa lakas ng ulan na may kasamang hanging tila humahagunot. Pero tandaan, hindi raw ito bagyo.
***
Tuwing ganito kalakas ang ulan, di maaring hindi ako magreminisce sa aking kabataan. Pag ganito kalakas ang ulan, pihadong walang pasok sa Pinas. Malamang maraming kalsada na rin ang baha. Malamang darating na ang service namin dahil sinuspindi na ang klase.
Kapag ganito ang naging scenario, jackpot! Pwedeng makapanood ng TV nang mas matagal. Maabutan ko rin ang opening spiel ng Ang TV. Higit sa lahat masarap humiga sa kama kasi malamig ang panahon. Paborito ko rin kasi na ikiskis ang paa ko sa malambot na bed sheet. Weirdo ko lang. Kaya rin nung bata ayoko na bagong almirol ang mga kubrekama.
***
Tuwing ganitong umuulan, mahilig magluto ang lola ko ng ginataang mais. Sa hindi ko malamang dahilan, palagiang kakaunti lang ang niluluto nya. Sapat lang sa dalawang mangkok. Lima kami sa bahay -- si daddy, si mommy, si kuya, ako at si lola. Pero bakit kakarampot lang ang niluluto nya? Pero dahil sa paborito ko ang ginataang mais, madalas isa't kalahating mangkok ang nauubos ko. Ang kalahati ay kay lola.
Nang minsang matindi ang ulan at nagluto siya ng ginataang mais, naglakas ako tanungin bakit kakaunti lang ang niluluto niyang ginataang mais. Tandang tanda ko ang pagngiti niya sa aking pag-uusisa. Marahan niyang sinabi, "dadalawa lang kasi tayo ngayon sa bahay. Mamaya pag dating ng daddy at mommy mo at ng kuya mo malamig na yang ginataang mais." Dahil sa ako ay sadyang likas na makulit, nagfollow up question ako. "Hindi po ba pwedeng initin ang ginataang mais para sumarap siya ulit pagdating nila?" Ngumiti lamang si lola. Hanggang sa ngayon hindi ko pa rin alam ang dahilan bakit ayaw nya initin ang ginataang mais pero sapat na sa akin ang matatamis na ngiting isinagot nya sa aking tanong.



